Ogie Alcasid at Regine Velasquez kasal na
December 23, 2010 | Thursday | 11:13 am
Ganap nang mag-asawa sina Ogie Alcasid at Asia’s Songbird Regine Velasquez matapos ang matagumpay nitong kasal kahapon na ginanap sa Terrazas de Punta Fuego, Nasugbu, Batangas.
Mangiyak-ngiyak na nagpalitan ng kanilang “I do’s” ang dalawang singer sa kanilang kasal, na dinaluhan ng kanilang mga kapamilya at malalapit na kaibigan.
Suot ni Regine ang isang red Monique Lhuillier gown samantalang coat and tie naman suot ng groom na si Ogie.
Tampok sa kasal ng dalawa ang kanilang mga kanta tulad ng “Kailangan Ko’y Ikaw”, “Kailangan Kita”, at “Pangarap Ko Ang Ibigin Ka”.
Present din sa kasalang Ogie-Regine ang ilang Kapamilya at Kapuso stars tulad nina Kris Aquino, Ai Ai Delas Alas, Jaya, Michael V., Sarah Geronimo, Rachel Ann Go, Noel Cabangon, Richard Gomez, Lucy Torres at marami pang iba.
Dumalo din ang dating asawa ni Ogie na si Michelle Van Eimeren kasama ang asawa nito at dalawang anak.
Agaw-pansin din ang pagiging isa sa groomsmen ni Pangulong Noynoy Aquino. Matatandaang tumulong sa kampaniya ni PNoy si Ogie at Regine noong nakaraang eleksyon.
Matapos ang seremoniya ng kasal ay sinundan naman ito ng reception na ginanap din sa kaparehong beach resort.





