5 BoC examiners kinasuhan ng smuggling
September 3, 2010 | Friday | 7:46 am
DZRH NEWS
Kinasuhan ng Bureau of Customs (BoC) ng smuggling ang limang customs examiner na nakipagsabwatan umano sa isang negosyanteng smuggler sa pag-iimport ng bigas mula sa Vietnam na nagresulta sa pagkawala ng P183 milyong kita ng pamahalaan.
Bukod dito, sinibak at isinailalim din ni BoC Commissioner Angelito Alvarez ang lima sa preventive suspension sa hinalang nakipagsabwatan sila sa isang importer at isang customs broker para maipuslit ang 312,400 sako ng bigas sa bansa nang hindi nagbabayad ng buwis sa gobyerno.
Ang mga kinasuhan sa paglabag sa Tariff and Customs Code ay sina Customs Examiners Vicitacion Difontorum, Ma. Theresa Agabao, Margarita Santiago, Tasha Cali at Glen Ollero.
Ayon kay alvarez, lumitaw sa imbestigasyon na nakipagsabwatan ang lima sa point given marketing upang dayaan ang pamahalaan ng halagang mahigit p183 milyon sa duties and taxes.
Sa record ng BoC, dumating mula sa Vietnam ang inangkat na bigas ng nasabing kumpanya kung saan lahat ng ito ay prinoseso at inilabas ng point given nang hindi nagbabayad ng kaukulang buwis .



