Anim na Opisyal Kinasuhan ng Ombudsman
June 10, 2011 | Friday | 4:30 pm
DZRH NEWS
Pinakakasuhan ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang anim na kasalukuyan at dating opisyal kabilang ang isang gobernador, dalawang incumbent mayors at isang dating mayor.
Iniutos ng Ombudsman ang paghaharap ng kasong paglabag sa Anti-graft law laban kay Agusan del Norte Gov. Erlpe John Amante dahil sa umano’y pagpabor sa small-scale mining operator na SR Metals Inc.
Bukod kay Amante, pinakakasuhan rin ang mga empleyado ng Provincial Engineering Office na sina Apolinario Yee at Celso Perez gayundin ang pinuno ng SR Metals na si Jimwell Orpilla.
Iniutos rin ni Acting Ombudsman Orlando Casimiro ang imbestigasyon kina Amante, Caloocan Vice Mayor Edgar Erice ng SR Metals at iba pang pribadong indibidwal upang malaman ang kanilang pananagutan para sa plunder at iba pang kasong kriminal.
Nahaharap naman sa kasong graft si Pili, Camarines Sur Mayor Tomas Bongalonta Jr dahil sa umano’y pagsibak sa municipal accountant na si Eileen Ceron nang walang basehan noong 2005.
Pinakakasuhan rin si Sta. Fe, Nueva Vizcaya Mayor Teodorico Padilla Jr dahil sa umano’y pagpapabaya sa liquidation ng 130,000 pisong cash advances.



