Bagong testigo sa Venson case
February 2, 2011 | Wednesday | 8:24 am
DZRH NEWS
Lalo pang nadiin ang hinihinalang car theft gang leader na si Raymond Dominguez makaraang isang bagong testigo ang iniharap ng pulisya kaugnay sa pagdukot at pagpatay kay Venson Evangelista noong nakaraang buwan.
Sa sinumpaang salaysay ng bagong testigo na isinumite sa Quezon City Prosecutor’s Office kahapon, kinumpirma nito na bumisita si Dominguez sa shop ni Evangelista isang araw bago ito dinukot at pinatay.
Ayon kay Atty. Virgilio Pablico, abogado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nakakuha sila ng bagong testigo na nagsasabing nakita niya si Raymond na bumisita sa shop ni Evangelista noong Enero 12.
Narinig ng testigo si Dominguez na nakiusap kay Evangelista kung puwede niyang i-test drive ang Toyota Land Cruiser na ibinebenta ng biktima.
Sa testimonya ng testigo, nangungulit si Dominguez na maitest-drive niya noong araw na iyon ang sasakyan ngunit tinanggihan ito ni Evangelista.
May hinala si Atty. Pablico na kaya pinatay ni Dominguez si Evangelista ay dahil nakilala na siya nito.





