GMA nagdeklara na ng ‘power crisis’ sa Mindanao
March 5, 2010 | Friday | 11:07 am

DZRH NEWS (MARCH 5, 2010)
Idineklara ni Pangulong Arroyo ang power crisis sa Mindanao, na ang power deficiency ay umaabot na sa 650 megawatts o halos kalahati ng power demand sa rehiyon.
Inaprubahan ng pangulo ang rekomendasyon ni Energy Secretary Angelo Reyes na magdeklara ng power crisis sa Mindanao para matugunan ang kakulangan ng supply ng kuryente sa rehiyon.
Gayunpaman, hinihintay pa ng Malacañang ang pagkilos ng kongreso ngunit hindi nilinaw ng pangulo kung magpapatawag siya ng special session para rito.
Ayon kay GMA, tinugon niya ang rekomendasyon ni Reyes bilang solusyon sa lumalalang problema sa supply ng kuryente sa Mindanao.
Batay sa rekomendasyon ni Reyes, gagamitin ng pangulo ang Section 71 ng EPIRA Law na magbibigay sa kanya ng karagdagang kapangyarihan, sa ilalim ng joint resolution ng kongreso, upang makapagpatupad ng mga aksiyon para sa karagdagang generation ng electric capacity sa pinakamabilis na paraan.



