Korte Suprema Payag sa Live Coverage ng Maguindanao Massacre Trial
June 14, 2011 | Tuesday | 4:12 pm
DZRH NEWS
Pinayagan na ng Korte Suprema ang live media coverage sa trial ng Maguindanao Massacre.
Ito ay sa kondisyon na tanging ang camera ng Korte Suprema ang papayagang kumuha ng live feed sa loob ng courtroom na siyang ipamamahagi sa media.
Kabilang rin sa mga binanggit na guidelines ni Justice Midas Marquez, spokesman ng Korte Suprema ay ang tuloy-tuloy na broadcast ng hearing kung saan maaari lamang mag-commercial tuwing merong break ang korte.
Ang Maguindanao Massacre ang pinakamatinding insidente ng karahasan na may kaugnayan sa eleksyon kung saan 58 ang namatay kabilang ang 30 kagawad ng media.
Pangunahing akusado sa karumal-dumal na krimen ang makapangyarihang angkan ng mga Ampatuan sa Mindanao.



