Liberal Party, Walang Napipisil Na Bagong Ombudsman
May 13, 2011 | Friday | 4:22 pm
DZRH NEWS
Wala umanong itinutulak ang Liberal Party para matalaga bilang Ombudsman kapalit ng nagbitiw na si Dating Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Diin ni Senator Franklin Drilon, Constitutional body ang Office of the Ombudsman at hindi ito isang political post na pwede silang magrekumenda kung sino ang karapat dapat na i-appoint ng Pangulo.
Ang Judicial and Bar Council din ang nagsusumite sa Pangulo ng listahan ng mga nominado para maging Ombudsman gaya ng ginagawa sa mga mahistrado at mga hukom.
Si Drilon ay Vice Chairman ng Liberal Party. Ang Liberal Party ang itinuturing na Balay Group sa likod ng PNoy – kalaban ng tinaguriang Samar Group ni Pangulong Noynoy.
Ang pahayag ni Drilon ay maituturing nang pagpapasinungaling sa nauna nang sinabi ni Senator Miriam Defensor Santiago na kani-kaniyang manok sa pagka-ombudsman ang lahat ng mga paksyon na nasa likod ni Pangulong Noynoy sa pag-asa na magagamit daw ang kasunod na Ombudsman sa makakalaban sa 2016 presidential elections.
Samantala, tulad ng Palasyo, naniniwala rin si Drilon na “very qualified” na maging Ombudsman si Justice Secretary Leila de Lima .
Pero diin ni Drilon, na kay Secretary de Lima ang desisyon kung gugustuhin nitong maging ombudsman at nasa Pangulo kung sa tingin nito ay mas makapagsisilbi si De Lima bilang ombudsman kaysa bilang kalihim ng Department of Justice.



