Night-shift na pasok sa trabaho, isusulong sa Mindanao
March 10, 2010 | Wednesday | 10:24 am

DZRH NEWS (MARCH 10, 2010)
Isusulong ng Malacañang ang night shift work sa lahat ng kumpanya sa Mindanao bilang opsyon sa nararanasan ngayong krisis sa kuryente sa rehiyon.
Ayon kay Press Secretary Jun Icban, kukumbinsihin nila ang mga negosyante na gawing gabi ang pasok sa trabaho imbes na sa umaga sa harap ng lumalalang krisis sa kuryente sa Mindanao na maituturing na umano ngayong kalamidad.
Ang night shift work ay isa sa limang opsyon na iniharap ni Energy Secretary Angelo Reyes sa ginanap na cabinet meeting kahapon, na maaaring gawin ng pamahalaan sa pinakamadaling panahon.
Batay sa panukala , ang working hours ay magsisimula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw dahil marami ang supply ng kuryente sa ganitong mga oras.
Ngunit hindi pa man nakakaporma ang Malacañang ay kaagad tinutulan ng ilang negosyante sa Mindanao ang panukala na sa gabi pagtrabahuhin ang kanilang mga manggagawa bilang solusyon sa krisis sa kuryente.
Samantala, isa pa sa panukala ni Reyes ay ang pagrerenta na lamang, katuwang ang private sector, ng mga generation sets sa Mindanao.






