Noynoy at Villar tabla sa No. 1 spot, ayon sa SWS
March 10, 2010 | Wednesday | 9:51 am
DZRH NEWS (MARCH 10, 2010)
Dalawang buwan bago ang eleksiyon sa May 10, halos dikit ang labanan sa presidential race nina Senador Manny Villar ng Nacionalista Party at Senador Noynoy Aquino ng Liberal Party.
Kung magpapatuloy ang ganitong takbo, sinabi ni Political Analyst Ramon Casiple na magiging one-on-one ang labanan sa pagitan nina Villar at Noynoy.
Sa pinakabagong survey ng Social Weather Station-Business World na isinagawa noong Pebrero 24 hanggang Pebrero 28, nakakuha si Noynoy ng 36%, mas mababa ng 6 puntos kumpara sa 42% na nakuha nito noong January survey.
Nakakuha naman si Villar ng 34%, nabawasan din ng isang puntos mula sa dati niyang 35% noong January survey.
Dahil sa margin of error na two percent, masasabing halos tabla sina Villar at Noynoy sa unang puwesto.
Ang nabawas na puntos kina Noynoy at Villar ay napunta naman kina dating pangulong Erap Estrada at Gilbert Teodoro na kapwa umangat ng tig-dalawang puntos.
Nakakuha si Erap ng 15% mula sa 13% nito noong Enero habang si Gibo ay umangat sa 6% mula sa dating 4%.





