Pag-Atake ng Gobernador sa Brodkaster Kinondena ng KBP
June 9, 2011 | Thursday | 3:29 pm
DZRH NEWS
Kinundena ng Kapisanan Ng Mga Brodkaster ng Pilipinas ang pagsugod at pambubugbog ng gobernador ng Kalinga province sa announcer na si Jerome Tabanganay ng DZRK Radyo Ng Bayan-Tabuk City.
Ayon kay KBP National Chairman Herman Basbaño, malinaw na paglabag sa batas at sa kalayaan sa pamamahayag ang ginawa ni Gov. Jocel Baac kay Tabanganay.
Binigyang diin ng KBP chairman na kung may reklamo si Baac laban sa brodkaster ay dapat itong idaan sa tama at ’sibilisadong’ paraan.
Umaasa si Basbaño na agarang kikilos ang mga kaukulang ahensiya at huwag hayaang mamayani ang pag-abuso sa kapangyarihan ng isang lokal na opisyal laban sa isang mamamahayag.
Sinugod ni Baac si Tabanganay habang nagpo-programa at hinablot nito ang mikropono sa harap ng announcer at ayon pa sa brodkaster, ipinalo ito sa kanyang mukha.
Nakunan ng video ang ginawa ni Baac kay Tabanganay at mapanonood na ito sa website na Youtube.



