Presyo ng baboy at manok, tataas ng P5 sa Abril
March 8, 2010 | Monday | 12:00 pm
DZRH NEWS (MARCH 8, 2010)
Dahil sa pinsalang dulot ng El Niño phenomenon sa mga pananim na mais , napipintong tumaas ang presyo ng baboy at manok ng P5 kada kilo sa darating na Abril at Mayo.
Ito ang ginawang pagtaya ni AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan sa harap ng lumalawak na pinsala ng matinding tagtuyot sa mga pananim.
Sa ngayon, sinabi ni Briones na tumaas na ng P3.50 kada kilo ang presyo ng mais na siyang ipinapakain sa baboy at manok kaya malamang na tumaas din ang presyo ng mga ito sa susunod na dalawang buwan.
Nabatid din sa mambabatas na umabot na sa P6 bilyon ang halaga ng nasirang mais habang P11 bilyon naman sa palay.
Dahil dito, inirekominda ni briones sa pamahalaan na itaas ang pagbili nila sa palay para makabawi kahit paano ang mga magsasaka sa kanilang pagkalugi.




