Prosekyusyon Tinutulan Ang Pagpapa-ospital ni Andal Sr.
May 12, 2011 | Thursday | 4:00 pm
DZRH NEWS
Pormal nang tinutulan ng mga prosecutor sa Maguindanao Massacre Trial ang kahilingan sa pagpapa-ospital kay Andal Ampatuan Sr., isa sa mga suspek sa karumal-dumal na krimen.
Sa 3-pahinang komento o oposisyon, sinabi ni Asst. Regional State Prosecutor peter Medalle na mariin nilang tinututulan ang kahilingan ni Andal Sr. dahil sa pangambang gamitin nito ang hospitalization para planuhin ang posibleng pagtakas.
Hiniling ni Andal Sr. sa korte noong Abril na payagan siyang sumailalim sa checkup dahil sa namamagang kanang hita at paa sanhi umano ng sakit sa prostate.
Dahil sa pag-apruba ng korte, sinuri si Andal Sr. ng government physician at inirekumendang masuri ng pribadong doktor mula sa Makati Medical Center.
Gayunman, iginiit ng prosekusyon na kuwestyonable ang ‘timing’ ng kahilingan ng suspek dahil mataas ang peligro na tumakas ang akusado.



