101.1 YES! FM nilibot ang Maynila para mamahagi ng tulong ngayong Pasko
December 23, 2011 | Friday | 11:07 am
“Oh, the man on the street and the couple upstairs. All need to know that there’s one who cares. Give love on Christmas day.”
Ito ay ilan lamang sa linya ng popular Christmas song na “Give Love on Christmas Day”.
Ang Pasko, ayon sa kanta, ay hindi lang naka-sentro sa pagtanggap ng aginaldo tuwing sasapit ang Disyembre – nais din nitong ipaalala na ang pagmamahal ay isa sa pinaka-magandang regalong pwede nating ma-i-abot sa mga taong mahal natin.
Kaya naman ngayong Kapaskuhan, gustong ipadama ng 101.1 YES! FM, kasama rin ang 90.7 LOVE RADIO, ang diwa ng pagmamahal at pagbibigayan sa mga kababayan nating kapos-palad.
Buo ang pwersa ng 101.1 YES! FM at 90.7 LOVE RADIO na naglibot sa Manila, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Mandaluyong, Pasig, San Juan at Quezon City para mamahagi ng tulong para sa mga kapwa nating Pinoy na kalsada ang kanilang itinuturing na tahanan.
Namahagi ng mga pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayang kapos-palad ang mga DJs ng 101.1 YES! FM at 90.7 LOVE RADIO, kasama rin ang buong staff na handa ring maglaan ng kanilang oras para makatulong.
Kasama sa ibinigay ang ilang mga kumot para sa mga nilalamig sa daan habang natutulog (with donations from Sogo Hotels); laruan para sa mga batang gustong sulitin ang saya ng kanilang pagkabata; tsinelas bilang proteksyon sa kanilang paa habang naghahanap ng ikabubuhay; pagkain at ilan pang mga bagay na makakatulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Inabot man ng umaga at mabasa man sa biglang buhos ng ulan habang naglilibot sa kalakhang Maynila, kakaiba at hindi mapapantayang saya naman ang naramdaman ng bawat isa sa pag-abot ng tulong sa mga kababayan nating may matinding pangangailangan sa buhay.
Samantala, maliban sa paglilibot sa Maynila, nag-abot din ng tulong ang 101.1 YES! FM at 90.7 LOVE RADIO sa Philippine Red Cross.



