Gina Lima, inilabas na ang cause of death; Ex-boyfriend, natagpuang wala nang buhay sa kaniyang condo
Trigger warning: Ang balitang ito ay may sensitibong nilalaman tungkol sa suicide at physical abuse. Mag-ingat sa pagbabasa.
Matapos windangin ng balitang pumanaw na ang freelance model at content creator na si Gina Lima, inimbestigahan naman ang kaniyang ex-boyfriend na siyang nagdala sa biktima sa ospital. Ayon sa mga naunang chika, physical abuse daw ang kinamatay ng dalaga.

Base sa Criminal Investigation and Detection Unit, nag-iinuman daw ang dalawa sa condo ng dalaga noong gabi ng November 15. Kinabukasan, nagpunta ang dalawa sa bahay ng lalaki para matulog, pero nagising na lamang daw si Ivan Cezar Roquillo na hindi na humihinga ang modelo.
Mga pasa sa binti ni Gina ang tila nagbigay daw ng kumpirmasyon sa ginagawa sa kaniya ng ex-boyfriend.
Samantala, noong November 18, inilabas ang medico-legal ng dalaga na nagsasabing hindi raw physical abuse kung hindi paninikip ng dibdib ang totoong sanhi.

Sa kasamaang palad, natagpuan ding wala nang buhay si Ivan sa kaniyang condo noong November 19. Kinumpirma ng La Loma Police Station ang balitang ito. Wala pang kumpirmadong detalye sa pagkamatay ng lalaki.
Bago ito, nag-post pa ang lalaki sa kaniyang Facebook at sinabing, "Susunod ako [sa'yo riyan] kung [nasaan] ka man."
Nakakalungkot ang balitang ito at patuloy pa rin na iniimbestigahan ang kaso.